MANILA, Philippines — Nagdesisyon kahapon ang Premier Volleyball League (PVL) na ipagpaliban ang nakasalang na tatlong laro ngayon sa Reinforced Conference dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Carina’ sa Metro Manila.
“Due to the inclement weather brought by Typhoon Carina, all Premier Volleyball League games scheduled for Thursday, July 25, have been postponed and will be moved to a later date. Stay safe and dry,” pahayag ng PVL.
Sasagupain sana ng PLDT ang Farm Fresh sa ala-1 ng hapon kasunod ang laban ng Creamline at Nxled sa alas-3 ng hapon at salpukan ng Chery Tiggo at Galeries Tower sa alas-5 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Dahil sa pagpapaliban sa tatlong laro ay posibleng magtakda ang liga ng apat na laban sa isang araw o ang pagdaragdag ng isang araw sa elimination round.
Nakatakda naman sa Sabado ang laban ng Cignal HD at Capital1 Solar Energy sa ala-1 ng hapon, habang maghaharap ang Akari at Petro Gazz sa alas-3 ng hapon kasunod ang sultada ng Choco Mucho at ZUS Coffee sa alas-5 ng hapon sa Pasig City venue.