Capital1 ‘di dapat isnabin--Gorayeb

Nagdiwang ang Capital1 matapos nilang silatin ang Choco Mucho.
PVL photo

MANILA, Philippines — Sa isang pambihirang pagkakataon ay ginulat ng Capital1 Solar Energy ang nagdedepensang Petro Gazz sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence kamakalawa sa Philsports Arena sa Pasig City.

Winalis ng Solar Spi­kers ang Gazz Angels, 26-24, 25-20, 25-18, sa pangunguna ni Russian Marina Tushova na humataw ng 24 points mula sa 23 on attacks at isang service ace.

“Masayang-masaya ako kasi who would have ever thought na mai-straight (sets) namin. They are always looking at us as a low-level team,” ani Capital1 head coach Roger Gorayeb.

Ito ang ikalawang panalo ng Solar Spikers sa PVL matapos makaisa sa nakaraang All-Filipino Conference na pinagreynahan ng Creamline kontra sa Choco Mucho.

Ang panalo sa Petro Gazz ang lalong magpapataas sa kumpiyansa ng Capital1 sa kanilang mga susunod na laro.

“Tapos maka-straight set kami ng more experienced team? Malaking bagay sa amin iyon, morale booster sa mga bata iyon,” dagdag ng veteran mentor.

Nagtala rin si Tushova ng 10 excellent digs at siyam na excellent receptions habang tumipa si Iris Tolenada ng 15 excellent sets.

“We want to play, we want to fight, and we just showed it. I mean, sometimes I want some punch on me,” sabi ni Tushova. “I’m Russian, we work like this.”

Bitbit ang 1-1 record, tatargetin ng Solar Spi-kers ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Cignal HD Spikers sa Sabado.

 

Show comments