MANILA, Philippines — Atat na ang Pinoy chess fans na makitang tutulak ng piyesa ang Philippine Chess Team sa 44th World Chess Olympiad na magsisimula sa Setyembre 10 at magtatapos sa 23 sa Budapest, Hungary.
Ito’y dahil lalaro si US-based Grandmaster Julio Catalino Sadorra at GM elect at International Master Daniel Quizon.
Ipinahayag ng National Chess Federation of the Philippines na muling lalaro sa Pilipinas ang 37-anyos na si Sadorra bilang top board para sa Budapest-bound national team kung saan ay makakasama niya ang reigning national champion na si Quizon, GM John Paul Gomez at IMs Paolo Bersamina at Jan Emmanuel Garcia habang si GM Eugene Torre ang magsisilbing coach.
Ilang taon din lumiban si Sadorra sa national team matapos sumulong ng piyesa sa tatlong Olympiads sa Tromso, Norway noong 2014, Baku, Azerbaijan (2016) at Batumi, Georgia (2018).
Hindi naglaro si Sadorra sa 2022 edition sa Chennai, India at sa dalawang online event noong 2020 at 2021 dahil sa commitments nito sa kanyang pamilya at bilang coach sa UT Dallas chess team.
Sa women’s team, angat ang pangalan nina WGM Janelle Frayna, WIM Jan Jodilyn Fronda at Woman FIDE Master Ruelle Canino, ang reigning national women’s champion.
Nakatutok din ang Pinoy fans kay Quizon dahil kailangan na lang nitong mapaabot ang kanyang elo rating sa 2500 para makuha ang titulong grandmaster.