Catalytic at Ever Land sasalang sa PCSO race
MANILA, Philippines — Magtutulungan ang Catalytic at Ever Land para makopo ang panalo sa lalahukan na 2024 Philippine Charity Sweepstakes Office “3-Year-Old & Above Maiden Stakes Race” na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Bukod sa Catalytic at Ever Land, tatlong mahuhusay na batang kabayo pa ang nagsaad ng paglahok sa distansyang 1,400 meter race.
May nakalaan na P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang makikipagtagisan ng bilis sa Catalytic at Ever Land ay ang Arizona Sky, Cowboy Silver at Road Warrior.
Gagabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce ang Catalytic habang si Isaac Ace Aguila ang rerenda sa Ever Land, puntirya nilang ibulsa ang P600,000 na premyo na inisponsoran ng PCSO.
“Kailangan pag-aralan ang tatayaan kasi hindi mo pa alam kung sino talaga ang maganda manakbo dahil mga batang kabayo,” ani veteran karerista Jonathan Velasco.
Hahamigin ng second placer ang P225,000 habang P125,000 at P50,000 ang third at fourth, ayon sa pagkakasunod.
Mag-uuwi rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P50,000 habang P30,000 at P20,000 ang pangalawa at pangatlong tatawid sa finish line.
Samantala, kanselado ang karera kahapon, araw ng Miyerkules dahil sa matinding pagbuhos ng ulan sa karerahan at sa kalapit lugar sa Batangas.
- Latest