MANILA, Philippines — Hindi mapigilan ang pagsulong ni Alex Eala sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA).
Muling nagtala ng panibagong career-high si Eala sa inilabas na listahan ng WTA.
Kasalukuyan na itong nasa ika-143 puwesto — 12 posisyon na mas mataas kumpara sa kanyang dating ranking na No. 155 noong nakaraang linggo.
Malaking tulong sa pag-angat ng Pinay netter ang dalawang korona na nakopo nito sa katatapos na International Tennis Federation (ITF) Women’s 100 Tennis Tournament na ginanap sa Vitoria-Gasteiz, Spain.
Pinagreynahan ni Eala ang singles event habang nagkampeon din ito sa doubles category para matamis na walisin ang dalawang korona na nakataya sa naturang torneo.
Unang nasungkit ni Eala ang kampeonato sa doubles kasama si Estelle Cascino ng France kung saan tinalo ng dalawa sina Lia Karatancheva ng Bulgaria at Diana Marcinkevica ng Latvia sa finals sa iskor na 6-3, 2-6, 10-4.
Nadoble ito ni Eala makaraang pabagsakin nito si Victoria Jimenez Kasintseva ng Andorra sa singles finals, 6-4, 6-4, para masiguro ang sweep.
Malaki rin ang nadagdag sa puntos ni Eala matapos umabot sa finals ng qualifying rounds ng dalawang Grand Slam events — ang Wimbledon at French Open.