MANILA, Philippines — Nanilat ang Still Somehow matapos sikwatin ang panalo sa katatapos na 2024 PHILRACOM “3rd Leg Triple Crown Stakes race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kaskasan agad sa unahan paglabas ng aparato ang Batang Manda at Worshipful Master habang malayong tersero at pang-apat ang Primavera at Still Somehow.
Bandang kalagitnaan ng karera ay umungos na ng apat na kabayo ang Ba tang Manda sa Worshipful Master habang tersero na ang Still Somehow pero nasa mahigit na 10 kabayo ang agawat nito sa unahan.
Pagdating ng far turn ay hindi pa rin nagbabago ang puwesto ng Batang Manda, pangalawa ang Worshipful Master habang umuusad na papalapit ang Still Somehow kasama ang liyamadong Ghost.
Papalapit ng home turn ay halos magkapanabayan na sa unahan ang Batang Manda, Worshipful Master, Still Somehow at Ghost kaya naman naging mainitan ang bakbakan sa rektahan.
Sa huling 50 metro ng labanan ay umungos na ang Still Somehow at nanalo ito ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang Batang Manda.
Ginabayan ni jockey John Allyson Pabilic, nirehistro ng Still Somehow ang tiyempong 2:09.4 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang P1.5M premyo.
Nakuha ng Batang Manda ang P562,500 habang P312,500 at P125,000 ang third at fourth placers na Worshipful Master at Ghost, ayon sa pagkakasunod.