MANILA, Philippines — Magbabalik sa Pilipinas at sa PBA ang legendary import na si Allen Durham.
At tulad ng inaasahan, magkakaroon ng reunion si Durham sa dating team na Meralco Bolts para sa Governors’ Cup bilang unang conference sa inaabangang Season 49 ng PBA.
Apat na taong hindi naglaro sa Meralco at sa PBA si Durham na sa Japan B. League muna sumalang nang dire-diretso bago magbalik-Pinas.
Sa Japan, nagpasiklab si Durham sa pagbuhat sa Ryukyu Golden Kings sa kampeonato ng B.League noong 2023.
Tinanghal din siyang Finals MVP sa likod ng inirehistrong 19.5 puntos at 10.5 rebounds matapos ang 2-0 panalo ng Ryukyu kontra sa dating kampeon na Chiba Jets.
Sa kanyang pagbabalik, inaasahan ang pinalakas na Bolts na kagagaling lang sa pambihirang unang kampeonato sa kasaysayan ng PBA sa Philippine Cup matapos ang 4-2 series win kontra sa reigning champion na San Miguel Beer.
Hindi pa nananalo sa 3 finals appearance kasama ang Bolts si Durham sa PBA kaya siguradong gigil na mawakasan nito.
Sa tatlong salang na iyon ay siya rin ang hinirang na Best Import.
Bukod sa kanyang reunion sa Bolts, inaabangan din ang pagmitsa uli ng kanyang rivalry kay Justin Brownlee ng Barangay Ginebra na siyang tumalo sa kanya sa lahat ng finals appearances sa PBA.
Tulad ni Durham ay magbabalik sa Gin Kings si Brownlee, na ngayon ay naturalized player na ng Gilas, matapos hindi idaos ang Governors’ Cup noong nakaraang season nang magbigay-daan ang PBA sa FIBA World Cup at Asian Games.