MANILA, Philippines — Nambulaga sa pista ang Black Star matapos manalong dehado sa PHILRACOM Rating based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni jockey Andreu Villegas, sinilat ng Black Star ang liyamadong Israel na hindi man lang tumimbang kaya dismayado ang mga liyamadista sa performance ng huli.
Harututan sa unahan ang Bada Bing at Elegant Lady sa kaagahan ng karera, nasa tersero puwesto naman ang Black Star habang pangalawa sa kulelat ang Israel.
Papalapit ng far turn ay umungos ng dalawang kabayo ang Bada Bing sa Elegant Lady habang kumakapit na ng bahagya ang Black Star.
Pagsapit ng rektahan ay nagkapanabayan na sa unahan ang Bada Bing, Elegant Lady, Golden Sunrise at Black Star.
Sa huling 50 metro ng labanan lumampas ang Black Star at nanalo ito ng kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang Golcen Sunrise.
Nilista ng Black Star ang tiyempong 1:28.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Maria Teresa Lara ang P10,000 added prize.
Terserong tumawid sa meta ang Full Combat Order habang pumang-apat ang Bada Bing sa event.