MANILA, Philippines — Tulad ng inaasahan ay napili bilang No. 1 pick ng Converge si MPBL MVP Justine Baltazar sa ginanap na bigating 2024 PBA Rookie Draft kahapon sa Glorrieta Activity Center sa Makati.
Sumunod sa kanya si Filipino-American ace Sedrick Barefield na nasikwat ng Blackwater bilang 2nd pick habang sorpresang No. 3 pick ng Barangay Ginebra si FEU standout RJ Abarrientos, na nagsilbi ring Filipino import sa South Korea at Japan.
Si Johnny Abarrientos, tiyuhin ni RJ at dati ring manlalaro ni Ginebra head coach Tim Cone, ang kumatawan sa kanya para sa panibagong Abarrientos sa PBA.
Nakuha ng Gin Kings ang No. 3 pick matapos ang blockbuster trade nang ipalit sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle sa Terrafirma kapalit sina Isaac Go at Stephen Holt tampok ang pick swap na No. 10 na napunta sa Dyip.
Nakopo naman ng Phoenix si Ateneo standout Kai Ballungay sa No. 4 habang No. 5 pick ng NorthPort si Dave Ildefonso na galing din sa South Korea bilang Pinoy import.
Swak sa No. 6 at No. 7 picks ng Rain or Shine sina Filipino-American ace Caelan Tiongson at Filipino-Swedish Felix Lemetti, ayon sa pagkakasunod.
Kinumpleto naman ang 1st round nina Jerom Lastimosa (No. 9) ng Magnolia, Mark Nonoy (No. 10) ng Terrafirma, CJ Cansino (No. 11) ng Meralco at Filipino-Canadian Avan Nava (No. 12) ng San Miguel Beer.
Hindi nakadalo sa draft ceremony sina Abarrientos, Tiongson at Ildefonso dahil sa idinaraos na kampanya ng Strong Group sa 43rd William Jones Cup.
Samantala, pasok naman sa 2nd round sina Francis Escandor (No. 13) ng RoS, Evan Nelle (No. 14) ng NorthPort, CJ Catapusan (No. 15) ng Terrafirma, Michael Malonzo (No.16) ng RoS, Didat Hanapi (No. 17) ng Ginebra at Brandon Ramirez (No. 18) ng NLEX.