MANILA, Philippines — Wala pa ring galos ang Strong Group-Pilipinas matapos ang 91-69 panalo kontra sa BSBL Guardians ng Australia sa 43rd William Jones Cup kahapon sa Taipei, Taiwan.
Ito na ang ikalawang sunod na tambak na panalo ng Philippine representative matapos ding kaldagin ang United Arab Emirates, 104-79, para sa 2-0 kartada.
Dahil dito ay napanatili ng Strong Group ang misyon sa No. 1 spot upang masikwat agad ang kampeonato ng 9-team tourney na walang playoffs kundi single-round robin eliminations lang.
Sunod na nakaharang sa daan ng Strong Group ang Ukraine sa alas-5 ng hapon bago sagupain ang Malaysia, Future Sports USA, Japan U22, China White at China Blue.
Bumida sa Strong Group ang dating PBA champion import mula sa San Miguel Beer na si Chris McCullough na kumamada ng 23 puntos at 7 rebounds.
Solido ang 16-point, 10-rebound double-double ni Gilas Pilipinas naturalized player Ange Kouame habang may 14 puntos si American big man Tajuan Agee.
Nag-ambag naman ng 9, 7 at 6 puntos sina Jordan Heading, Dave Ildefonso at RJ Abarrientos, ayon sa pagkakasunod, para sa local standouts ni coach Charles Tiu.
Samantala, nasayang ang 19 at 14 puntos nina Jesse Ghee at Atem Bior, ayon sa pagkakasunod, pati na ang tig-12 puntos nina Angus Howey at Dhieu Magier para sa Australian bet.
Sadsad sa 0-2 ang BSBL Guardians matapos ding matalo sa Future Sports USA, 69-65.