MANILA, Philippines — Kinapos sa podium finish ang Gilas Pilipinas women matapos ang 82-66 kabiguan kontra sa host na Chinese Taipei-A sa pagtatapos ng Women’s Jones Cup kamakalawa ng gabi sa Xinzhuang Gymnasium sa Taiwan.
Kinulang ang 19 puntos ni Naomi Natalie Panganiban sa kanyang Gilas women debut matapos trangkuhan ang Gilas girls sa Division A promotion ng FIBA U18 Women’s Asia Cup.
Maging ang tig-12 puntos nina Afril Bernardino at Stefanie Berberabe pati na ang 8 puntos at 9 rebounds ni Jack Animam ay hindi sumapat para sa Gilas na maagang naiwan sa 10-26 tungo sa kabiguan.
Nakapuwersa sana ng silver medal ang Gilas kung nanalo sa host team subalit ngayon ay natanggal pa sa podium at nagkasya lang sa fourth place.
Tabla ang Gilas sa Chinese Taipei-B at Thailand hawak ang 2-3 kartada pero nakuha ng Chinese Taipei-B ang bronze dahil sa mas mataas na quotient na +12. May -3 at -12 na quotient ang Gilas at Thailand, ayon sa pagkakasunod.
Natalo kasi ang Gilas sa Chinese Taipei-B sa opener, 73-60, bagama’t tinalo ang Thailand, 68-58. Wagi rin ito kontra sa kulelat na Malaysia, 74-63, pero kinapos din laban sa Japan Universiade, 85-83.
Kampeon ang Japan sa single-round robin tourney hawak ang 5-0 kartada matapos ang 84-34 panalo kontra sa Malaysia.
Pumangalawa naman ang Chinese Taipei-A sa 3-2 kartada.