Aguilar ipinagtanggol ni Cone
MANILA, Philippines — Dumepensa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa mga bashers na bumabanat kay Japeth Aguilar sa social media.
Ilang fans ang nagpost ng maaanghang na mensahe kay Aguilar matapos ang laban ng Pilipinas at Brazil sa semis ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
Kaliwa’t kanang banat ang tinamo ni Aguilar nang matalo ang Gilas Pilipinas sa Brazil sa iskor na 60-71 dahilan para matuldukan ang pag-asa ng Pinoy cagers na makapasok sa Paris Olympics.
Iginiit ni Cone na mismong siya pa ang nakiusap kay Aguilar na maglaro sa Olympic qualifiers matapos magtamo ng injury ang ilan sa key players nito.
“I begged Japeth to join us in Latvia,” ani Cone sa kanyang post sa social media.
Nais sana ni Aguilar na magpahinga matapos ang PBA para makasama ang kanyang pamilya.
Subalit dahil na rin sa kahilingan ni Cone, pumayag itong maglaro kasama ang Gilas sa Latvia.
Malaking tulong si Aguilar lalo pa’t hindi nakapaglaro si big man AJ Edu na nagpapagaling pa sa injury na natamo nito sa Japan B.League.
“He wanted to let the young guys do it and spend more time with his wife and new baby. Kept begging him. When AJ Edu went down, he finally relented after more begging,” ani Cone.
Bihirang nagamit si Aguilar sa Olympic qualifiers.
Nagtala ito ng averages na 2.7 points at 3.3 rebounds bilang supporting role sa Gilas.
- Latest