MANILA, Philippines — Kakailanganin ng Gilas Pilipinas si Kai Sotto kung nais nitong makasampa sa finals at manatiling nasa kontensyon para sa katangi-tanging Paris Olympics ticket sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
At sa pambihirang panalangin ng milyung-milyong Pilipino ay posibleng matupad iyon.
Negatibo sa fracture ang resulta ng X-ray at ultrasound tests ng 7-foot-3 Filipino sensation matapos ang masamang bagsak kontra sa Georgia sa pagtatapos ng elimination round ng OQT.
Kinabahan ang mga Pinoy fans maging ang Gilas nang madaganan din si Sotto ni Georgia big man Goga Bitadze sa kalagitnaan ng second quarter.
Hindi na natapos ni Sotto ang laro at dinala agad sa ospital.
Ngayon ay makakahinga na ang sambayanan sa magandang test results ni Sotto na isa sa nanguna sa higanteng 89-80 panalo ng World No. 25 Gilas kontra sa No. 6 at host Latvia.
Sa pagkawala niya sa kalagitnaan ng 20-point deficit ng Gilas ay hindi sumuko ang koponan at itinuloy ang laban hanggang sa maagaw pa ang kalamangan bago malasap ang dikit na 94-96 kabiguan kontra sa World No. 23 Georgia.
Talo man ay nakumpleto ng Gilas ang misyon dahil sa quotient system upang masikwat ang No. 2 seed sa Group A kontra sa No. 1 team ng Group B na Brazil.
May nakalatag na treatment plan para kay Sotto na magkakaroon pa ng isang buong araw na pahinga bago sumalang ang koponan ni coach Tim Cone kontra sa Brazil.