MANILA, Philippines — Lumobo na sa 22 atleta ang masisilayan sa aksiyon sa Paris Olympics — lampas na sa target ng Philippine Olympic Committee (POC) na mahigit 20 atleta.
Nadagdag pa sa listahan sina hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang Tolentino na pormal nang inihayag ng World Athletics.
Ito ang pinakamalaking delegasyon ng bansa sapul noong 1992 edisyon sa Barcelona, Spain.
“Target achieved,” ani POC president Abraham “Bambol” Tolentino.
Haharap na sa mas malaking hamon ang Team Philippines — ang manalo ng medalya sa Paris Olympics.
“Now to the most important goal—medals,” ani Tolentino.
May 26 atleta ang naglaro sa 1992 Barcelona Olympics kung saan sumungkit ng tanso si boxer Roel Velasco.
Bumaba ito sa 12 atleta noong 1996 Atlanta Games kung saan nanalo naman ng pilak na medalya si Mansueto Onyok Velasco.
Mula noon ay hindi na nakapag-uwi ng medalya ang Pilipinas sa mga sumunod na edisyon — 20 atleta sa Sydney 2000, 15 atleta sa Athens 2004 at Beijing 2008 at 11 sa London 2012.
Noong 2016 sa Rio de Janeiro may 13 atleta ang Pilipinas kung saan nanalo si weightlifter Hidilyn Diaz ng pilak.
Tinuldukan ni Diaz ang pagkauhaw ng Pilipinas sa unang ginto sa 2020 Tokyo Olympics.