Batang Gilas sasagupa sa USA

MANILA, Philippines — Lalong humirap ang daan ng Gilas Pilipinas sa 2024 FIBA Uuder-17 World Cup.

Matapos tumaob sa ilang powerhouse squads, ang World No. 1 USA naman ang kikilatis sa Batang Gilas sa knockout round ng world youth championship sa Istanbul, Turkey.

Nakatakda ang duwelo habang isinusulat ang ba­li­tang ito tampok ang hi­gan­teng hamon para sa Na­tio­nals kontra sa reigning World Cup champions na kinaldag ang kanilang mga katunggali sa group play.

Kagagaling lang ng Gilas Boys sa 53-98 kabiguan sa World No. 15 Puerto Ri­co para sa 0-3 kartada sa Group B.

Ito ay matapos yumukod sa World No. 7 Lithuania pati na sa World No. 2 European champion Spain na siyang sumikwat ng silver medal sa likod ng Team USA sa 2022 World Cup.

Hinambalos naman ng USA ang France, 104-81, Guinea, 124-49, at China, 146-62, sa Group B.

USA din ang nagkampeon sa lahat ng anim na edisyon ng U17 World Cups kaya malaking pabo­rito hindi lang kontra sa Gilas kundi sa buong torneo.

Hindi rin nakatulong na wala sa Gilas ang ace guard na si Kieffer Alas na nadale ng knee injury bago ang si­mula ng U17 World Cup.

Nakabalik ang Gilas sa World Cup matapos ang se­mifinal finish sa FIBA U16 Asia Cup sa pangunguna ni Alas na napasama pa sa All-Star Five.

Huling nakapasok ang Gilas sa world youth championship noong 2019.

Ito ay sa pa­nahon ng tri­ple towers na sina Kai Sotto, AJ Edu at Carl Ta­ma­yo na pare-pa­reho nang nasa Gilas Pilipinas men’s team ngayon.

 

Show comments