CLEVELAND — Mananatili si All-Star guard Donovan Mitchell sa Cavaliers matapos pumayag na pirmahan ang isang three-year, $150.3 million maximum contract extension.
Kasama sa kontrata ang player option para sa 2027-28 season na magbibigay kay Mitchell ng tsansa sa 10-year service criteria ng NBA para humingi ng isang five-year extension sa 2027 na nagkakahalaga ng higit sa $380 million.
Matapos mahugot mula sa Utah Jazz sa isang trade deadline dalawang taon na ang nakakalipas ay nakapasok ang Cleveland sa dalawang sunod na playoff appearances kasama ang pag-abante sa Eastern Conference semifinals sa nakaraang season.
Bumanat ang 27-anyos na si Mitchell ng average na 26.6 points sa 2023-24 season.
Sa Orlando, magbabalik si free agent center Moritz Wagner sa Magic sa isang two-year, $22 million deal at pumayag si forward Jonathan Isaac sa five-year, $84 million contract.
Sa Indianapolis, lalagda si free agent center James Wiseman sa isang two-year contract sa Indiana Pacers.
Sa Boston, nagkasundo si Xavier Tillman at ang nagdedepensang Boston Celtics sa isang two-year deal.