MANILA, Philippines — Tatlong araw bago labanan ang Vietnam sa isang knockout quarterfinals match sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup ay tatlong players ang posibleng mawala sa Alas Pilipinas.
Ito ay sina Premier Volleyball League (PVL) stars Eya Laure at Jen Nierva ng Chery Tiggo at UAAP MVP Alyssa Solomon ng National University Lady Bulldogs.
Lumiban kasi sa ensayo ng national pool sina Laure at Nierva na mga miyembro ng Alas Pilipinas na nagtala ng makasaysayang bronze medal finish sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup for Women.
Ito ay para sa paghahanda ng Crossovers sa darating na PVL Reinforced Conference ngayong buwan.
Kasalukuyan namang nagrerekober sa kanyang injury si Solomon, ang two-time UAAP best opposite spiker.
Si Solomon ang isa sa tatlong spikers na idinagdag sa national pool ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito bukod kina Creamline star Jema Galanza at Bella Belen ng Lady Bulldogs.
Dahil sa posibleng hindi paglalaro nina Laure, Nierva at Solomon ay 14 players na lamang ang bubuo sa Alas Pilipinas para sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup na magsisimula sa Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Ang mga ito ay sina Galanza, Belen, Jia De Guzman, Angel Canino, Thea Gagate, Sisi Rondina, Fifi Sharma, Faith Nisperos, Vanie Gandler, Dawn Macandili-Catindig, Julia Coronel, Dell Palomata, Cherry Nunag at Arah Panique.
Lalabanan ng mga Pinay spikers ang mga Vietnamese sa knockout match sa Biyernes ng alas-6:30 ng gabi matapos ang laro ng Czech Republic at Argentina sa alas-3 ng hapon.