Gilas Women U18 pinalitan ang Indonesia sa Division A

MANILA, Philippines — Ang Indonesia ang papalitan ng Division B champion Gilas Pilipinas Women matapos itong mangulelat sa kasabay na Division A ng 2024 FIBA U18 Women’s Asia Cup sa Shenzhen, China.

Kinapos ang Indonesia kontra sa Malaysia sa kanilang relegation match matapos ang 66-67 kabiguan sa overtime upang magkasya sa ika-walong puwesto.

Tengga ang Malaysia sa Division A at dahil sa kabiguan ay bababa ang Indonesia sa Division B upang magbigay daan sa Gilas na pinagreynahan ang Division B.

Winalis ng Gilas ang torneo tampok ang 95-64 panalo kontra sa Lebanon sa finals para samahan ang U16 at senior team ng national women’s program sa Division A ng lahat ng Asia Cup age-group brackets.

Sa gabay nina program director Pat Aquino at head coach Julie Amos ay halos hindi pinawisan ang mga Pinay nang tambakan ang lahat ng kalaban para sa 5-0 kartada papasok sa Division A.

Sasamahan ng Gilas Women sa Division A ang reigning champion Australia, China, Japan, South Korea, New Zealand, Chinese Taipei at Malaysia na nagtapos sa hanggang ika-pitong puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Nasikwat ng Australia ang ikalawang sunod na kampeonato sa Division A matapos ang 96-79 panalo kontra sa China.

Show comments