Capital1 palaban sa PVL Reinforced

MANILA, Philippines — Palaban ang Capital1 Solar Energy sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference matapos kunin ang serbisyo ng Russian outside hitter at apat pang beteranong local players.

Magsisilbing import ng Capital1 Solar E­nergy si Russian Marina Tu­shova na malalim ang karanasan sa professional leagues.

Mainit itong tinanggap nina Capital1 Solar E­nergy team owners Mandy Romero at Milka Romero kung saan optimistiko ang dalawa na malaki ang maitutulong ni Tushova sa kampanya ng kanilang tropa.

“We hope to bring more excitement to the fans that’s why we took her and the four other local players,” ani Mandy Romero.

Pasok na rin sina Ayumi Furukawa, Iris Tolenada, Julia Ipac at Maria Shola Alvarez para tulu­ngan ang Capital1 Solar Energy sa ratsada nito sa Reinforced Conference.

Excited na rin ang Capital1 Solar Energy sa kauna-unahang 2024 PVL Draft na gaganapin sa Hulyo 8 kung saan ang kanilang koponan ang pipili ng No. 2 pick.

Target ng Capital1 Solar Energy na makakuha ng mahusay na attacker para mas lalo pang lu­malim ang lineup nito.

“Whoever coach Ro­ger Gorayeb and team will pick, we are certain she must be good,” ani Milka Romero ang panganay na anak ni Rep. Mikee Romero (1Pacman) na dating godfather ng PH amateur basketball.

Nasilayan sa aksyon si Tushova para sa Sparta Nizhny Novgorod sa Russia.

Nakapaglaro na rin ito sa mga professional leagues sa France at Switzerland.

Halos isang buwan na si Tushova sa Pilipinas upang makabuo ng che­mistry sa kanyang bagong team.

Masaya si Tushova sa Pinoy hospitality na natatanggap nito.

 

Show comments