Quezon Tangerines hahataw sa MPVA
MANILA, Philippines — Palabang Quezon Tangerines ang pinakabagong volleyball team sa Pinas na pinangako ang kahandaang makipagsabayan sa Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA).
Tatrangko sa Tangerines ang championship core ng NCAA champion na College of St. Benilde matapos ang official team launch na ginanap kamakalawa sa Quezon Provincial Capitol sa pangunguna ni Governor Dr. Helen Tan.
Misyon ng Tangerines na maipagpatuloy ang lumalagong sports program sa probinsya kasunod ng tagumpay ng Quezon Huskers na wala pang galos hawak ang 12-0 kartada sa idinaraos na 2024 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
“Ito ‘yung isa sa mga pangarap ng mga taga-Quezon. Noong nagsimula kami sa Quezon Huskers sa MPBL, iba talaga yung nagawa sa Quezon youth kaya we’re very excited for the Quezon Tangerines,” ani Governor Tan kasama sina Congressman Atty. Mike Tan at team manager Atty. Donn Kapunan.
“We’re very sure na susuportahan din sila ng mga Quezonians. Walang pinapasok ang Quezon na hindi naipapanalo. Mahihirapan ‘yung mga kalaban namin for sure,” dagdag pa ni Gov. Tan.
Mamando sa Tangerines si St. Benilde coach Jerry Yee bitbit ang Lady Blazers core na pinag-reynahan ang huling 3 NCAA seasons sakay ng 40 sunod na panalo.
Bida sa Tangerines sina Mycah Go, Zamantha Nolasco, Wielyn Estoque, Corrine Apostol at team captain Jessa Dorog kasama pa ang ibang Lady Blazers na sina Chenae Basarte, Clydel Mae Catarig, Fiona Naomi Getigan, Cristy Ondangan, Aya Densing, Kim Alison Estenzo, Zen Basilio, Fiona Inocents, Marygrace Borromeo, Sofia Badion, Shekaina at Shahana Lleses.
Swak din sa Tangerines ang mga homegrown na sina Lenie Sapallo, Jasmine Dapol, Christine Joy Lubiano, Jilian Nicole Quiambao at Louann Latigay ng Lucena, Paola Alban ng Lucban, Geraldine Rae Palacio ng Pagbilao at Kamille Josephine Amaka Tan ng Tayabas matapos mapili sa tryout ni Yee.
Inaasahang haharang sa daan ng Tangerines ang Bacoor na kampeon ng inaugural na MPVA Season.
- Latest