Super suntok sa buwan ang pag-asa ng Gilas Pilipinas na mapanalunan ang FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
Iyon ang nalalabing paraan para marating ng Philippine quintet ang 2024 Paris Olympics.
Imagine ang laban kontra host Latvia at powerhouse Georgia sa Riga OQT elims.
Kung palaring maka-Top 2, aabante sila sa knockout round kontra sa Top 2 mula Group B na kinapapalooban ng Brazil, Cameroon at Montenegro.
Super bigat!
Mahirap manalo. Pero kahit na maging talunan, proud ako na kasali sa event ang ating pambansang koponan.
Hindi kagaya ng mahabang panahon na tagamasid lang. Dakilang miron.
At least ngayon, nakikita ang ating national colors at nababanggit ang ating koponan kasama ng mga elite teams gaya ng Latvia, Georgia at Brazil.
At siyempre, mas nakakatuwa na committed ang Samahang Basketbol ng Pilipinas -- suportado ng PBA -- na palawigan ang programa.
Ang tunay na misyon ni coach Tim Cone eh, maihatid ang national team sa 2028 Olympics sa Los Angeles.
Ang reckoning eh, ang 2027 FIBA World Cup. Kailangan ng Gilas na maging top Asian team para awtomatikong makasungkit ng LA Olympics ticket.