MANILA, Philippines — Kasado na si Asian record holder Ernest John Obiena para sa partisipasyon nito sa Paris Olympics.
Ito ay matapos humirit ang Pinoy pole vaulter ng gintong medalya sa 6th Irena Szewinska Memorial sa Bydgoszcz, Poland.
Maganda ang gising ni Obiena matapos magtala ng season-best na 5.97 metro upang masiguro ang unang puwesto sa naturang Poland meet.
Unang nilundag ni Obiena ang 5.55m kasunod ang 5.75m na pareho nitong nakuha sa kanyang unang attempt pa lamang.
Itinaas ito ni Obiena sa 5.82m.
Kinailangan pa ni Obiena ng dalawang attempts para makuha ang naturang marka.
Umangat pa si Obiena sa 5.87m bago kubrahin ang ginto sa kanyang winning mark na 5.97m.
Gayunpaman, sapat na ang nakuha nitong 5.97m marka para makuha ang ginto.
Hawak ni Obiena ang personal best na 6.0m na kailangan nitong madala sa Paris Games para mapalakas ang tsansa nito sa gintong medalya.
Numero unong kalaban nito si world champion Mondo Duplantis na nagmamay-ari ng world record at madalas na sumasampa sa six-meter mark.
Tinalo ni Obiena sa Poland si Emmanouil Karalis ng Greece na may naitalang 5.92m para sa pilak na medalya, habang pumangatlo naman si Piotr Lisek ng Poland na may nakuhang 5.75m.
Magandang resbak ito para kay Obiena na dalawang beses na nabalian ng pole sa dalawang torneong nilahukan nito.
Inaasahang maaabot ni Obiena ang peak nito sa oras na tumuntong ito sa Paris Games na nakatakdang magsimula sa Hulyo 26.