MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ng talsik nang mga Iranians ang panggugulat sa Pool 6 Week 3 ng Men’s Volleyball Nations League (VNL).
Ito ay matapos pabagsakin ng Iran ang Netherlands, 25-22, 22-25, 25-21, 20-25, 15-10, para sa kanilang ikalawang sunod na arangkada kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagbitbit ang mga Iranians ng 0-8 record bago sumalang sa Manila leg.
Nauna nilang ginulantang ang United States, 26-28, 25-23, 25-18, 26-28, 15-13, noong Miyerkules.
Kumamada si Amin Esmaeilnezhad ng 28 points mula sa 24 attacks, tatlong blocks at isang service ace para sa Iran kasunod ang 27 markers ni Poriya Hossein Khanzadeh.
Binanderahan ni Nimir Abdel-Aziz ang Netherlands, may 3-7 baraha ngayon, sa kanyang 37 points galing sa 27 attacks, siyam na service aces at isang block.
Sa unang laro, pinadapa ng Canada ang Germany, 25-19, 25-18, 25-21, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Manila leg.
Naglista sina Stephen Timothy Maar at Arthur Szwarc ng tig-15 points habang may 11 markers si Eric Leoppky para sa 6-4 kartada ng mga Canadians na nauna nang tinalo ang mga Japanese, 25-21, 20-25, 25-15, 20-25, 15-10, noong Martes.
“We have already qualified for the (2024 Paris) Olympics, we’re now trying everything to be in the final eight,” sabi ni coach Tuomas Sammelvuo ng Canada. Minalas ang mga Germans na maiposte ang ikatlong sunod na panalo at nahulog sa 4-6 marka.
Umiskor si Moritz Karlitzek ng 13 points mula sa 12 kills at isang service ace para banderahan ang Germany.
“Our team had pretty flawless volleyball. Germany fought the good fight at the end, but we handled it really well so I’m for the team,” wika ng 6-foot-8 outside hitter na si Maar.
Humataw ang Canada ng 46 attacks kumpara sa 31 ng Germany at may walong blocks laban sa tatlo ng huli.
Nakatakdang labanan ng mga Canadians ang mga Brazilians ngayong alas-3 ng hapon, samantalang sasagupain ng mga Germans ang mga Americans bukas ng alas-11 ng umaga.