MANILA, Philippines — Sasalang na sa pukpukang paghahanda ang Gilas Pilipinas para masigurong nasa perpektong kundisyon ito bago sumabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na hahataw sa susunod na buwan sa Riga, Latvia.
Sabik na si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na muling makasama ang kanyang bataan sa training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
“I’m excited to get back working with the guys and getting this thing going again,” ani Cone.
Nakatakdang sumalang sa tuneup game ang Gilas Pilipinas kontra sa Taiwan Mustangs sa Lunes, ayon sa pahayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Gaganapin ang Gilas-Taiwan Mustangs match sa Philsports Arena sa Pasig City.
Mapapalaban ang Gilas Pilipinas dahil kamakailan lamang ay kinuha ng Mustangs sina dating NBA star Dwight Howard at DeMarcus Cousins.
Wala pang anunsiyo ang Mustangs kung kasama nito sina Howard at Cousins sa tuneup game.
Magandang pagkakataon ang tuneup game upang makabuo ng chemistry ang Gilas Pilipinas at mas lalo pa itong mahasa bago ang Olympic qualifiers.
Mangunguna sa panig ng Gilas Pilipinas si naturalized player Justin Brownlee na nasa kundisyon dahil galing ito sa kampanya kasama ang Pelita Jaya sa Indonesia Basketball League at Basketball Champions League (BCL) Asia.
Pasok din sina June Mar Fajardo, Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Kai Sotto, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Papalitan naman ni Japeth Aguilar si AJ Edu habang si Mason Amos ang hahalili sa posisyon ni Jamie Malonzo.
Parehong nagpapagaling sa injury sina Edu at Malonzo.
Matapos ang training camp sa Pilipinas, tutulak ang Gilas Pilipinas sa Europe para sumalang naman sa hiwalay na tuneup games.
Ilan sa makakalaban ng Gilas Pilipinas sa exhibition match ang Turkey at Poland.