MANILA, Philippines — Nakatakdang magpasiklab ng magkakamping Fortissimo at Istulen Ola sa paglarga ng 2024 PHILRACOM “Gran Copa De Manila Cup” sa darating na Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Bukod sa Istulen Ola na rerendahan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce at Fortissimo na gagabayan ni class A rider Kelvin Abobo, anim pa na mahuhusay na kabayo ang naghayag ng pagsali sa distansyang 1,600 meter race.
May nakalaan na P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang nagsaad ng paglahok ay ang Easy Does It, Jaguar, Mimbalot Falls, Moderne Cong, Secretary at Wild Is The Wind.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P600, 000 habang P200,000 naman sa segunda.
Posibleng magbigay ng magandang laban kina Istulen Ola at Fortissimo ay si 2023 two legs Triple Crown winner Jaguar na gagabayan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate.
Paniguradong bakbakan at magandang karera ang masasaksihan ng mga karerista kaya asahang dadagsa ang mga ito sa karerahan at sa mga OTBs.