MANILA, Philippines — Umani sina Kristina Knott at Eric Cray ng tig-isang gintong medalya sa 2024 Harry Jerome Track Classic na ginanap sa Burnaby, Canada.
Magandang panalo ito para kina Knott at Cray na parehong naghahabol na makapasok sa Paris Olympics.
Naglatag ng matikas na porma ang Southeast Asian Games champion na si Knott upang matamis na kubrahin ang gintong medalya sa women’s 100m dash.
Naorasan si Knott ng 11.64 segundo para makuha ang unang puwesto.
Tinalo si Knott si Canadian Victoria Mcintyre na nagkasya lamang sa pilak tangan ang 11.94 segundo.
Pumangatlo naman ang isa pang Pinoy bet na si Zion Corrales Nelson na may naisumiteng 11.95 segundo.
Nagdagdag pa ng isang tanso si Knott mula naman sa women’s 200m dash.
Nagrehistro ito ng 23.42 segundo para magkasya sa ikatlong puwesto sa likod nina Canadian sprinters Zoe Sharar na siyang umani ng ginto bunsod ng 23.14 segundong nakuha nito, at Jacqueline Madogo na nakapilak tangan ang 23.20 segundo.
Nagparamdam din ng lakas ang six-time SEA Games champion na si Cray sa men’s 400m hurdles sa itinalang 49.95 segundo.