MANILA, Philippines — Iwawagayway nina boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam ang bandila ng Pilipinas sa opening ceremony ng 2024 Paris Olympics sa Hulyo 26.
Sina Petecio at Paalam ang naatasang maging flag bearers ng Team Philippines sa Paris Games dahil sa matagumpay na kampanya sa nakalipas sa Tokyo Olympics na ginanap sa Japan.
Parehong nakasungkit sina Petecio at Paalam ng pilak na medalya para tulungan ang pambansang delegasyon sa kampanya nito sa Tokyo Games.
Nakahirit ng tiket pabalik sa Olympic Games sina Petecio at Paalam matapos ang qualifying tournaments na ginanap para sa boxing.
Unang nakapasok si Petecio sa women’s 57kg division ng 1st World Qualification Tournament na ginanap noong Marso sa Busto Arsizio, Italy.
Bigo si Paalam na makapasok sa 1st Olympic qualifiers matapos magtamo ng injury sa kanyang balikat.
Subalit hindi ito sumuko nang rumesbak ito sa 2nd World Qualification Tournament na ginanap sa Bangkok, Thailand noong nakaraang buwan.
Hahataw si Paalam sa men’s 57kg class.
Makakasama nina Petecio at Paalam sa boxing competitions si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial at sina Aira Villegas at Hergie Bacyadan.
Aariba rin sa Paris Olympics sina rower Joanie Delgaco, gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo, at Levi Ruivivar, pole vaulter EJ Obiena, fencer Samantha Catantan at sina weightlifters Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza.