Lemon Bell sinisiw ang mga kalaban sa Group race

MANILA, Philippines — Halos hindi pinawisan ang Lemon Bell ng sikwatin nito ang panalo sa PHILRACOM Group Based On Time race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Martes ng gabi.

Walang kahirap-hirap na sinunggaban ng Lemon Bell ang unahan kaya naman hindi na naagaw ang bandera sa kanya hanggang sa pagtawid ng meta.

Lamang ang Lemon Bell ng isang kabayo sa mga katunggali sa kaagahan ng karera pero umunat ito sa dalawang kabayo sa kalagitnaan ng bakbakan.

Bagama’t lumapit ng bahagya ang French Leather at Achy Holly sa unahan sa far turn ay bigla ulit umarangkada ang winning horse at tuluyan ng lumayo sa rektahan.

Nanalo ang Lemon Bell ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Achy Holly, tersero ang French Leather habang pumang-apat ang Gee’s City.

“Nag-ensayo lang yata si Lemon Bell, kayang kaya niya mga kalaban at kaya pang mag umento ng marami,” wika ni Enrico Villahermosa, veteran karerista.

Ginabayan ni jockey Jerico Serrano, nirehistro ng Lemon Bell ang tiyempong 1:27 minuto sa 1,400 meter race, sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Francisco Paolo Crisostomo ang P5,000 premyo.

Show comments