MANILA, Philippines — Panibagong jersey ang susuotin ni Rhenz Abando.
Sa pagkakataong ito, kasama ni Abando ang Strong Group Athletics sa kampanya nito sa 43rd William Jones Cup na idaraos sa Hulyo 13 hanggang 21 sa Taipei, Taiwan.
Isiniwalat na ng SGA management ang pagpasok ni Abando sa tropa para sa Jones Cup.
Kasalukuyang free agent si Abando dahil tapos na ang kontrata nito sa Korean Basketball League club Anyang Jung Kwan Jang.
Kasama si Abando nang magkampeon ang Anyang sa KBL noong 2022-23 season.
Excited na si Abando na maglaro para sa SGA dahil makakasama nito ang mga matitikas at beteranong players.
“More on excited ako makapaglaro for Strong Group kasi nung nasa Korea ako, pinapanood ko yung games nila sa Dubai,” ani Abando.
Nagtala si Abando ng averages na 9.9 points, 4.3 rebounds at 1.1 assists sa huling season nito sa KBL.
“Talagang napasaya nila ang mga fans dun. Sana mapasaya din namin ang mga kababayan natin sa Taiwan ngayong Jones Cup,” ani Abando.
Masaya si SGA head coach Charles Tiu na mahahawakan nito si Abando na may malalim na karanasan at talento sapul pa noong naglalaro ito sa NCAA.
Si Tiu ang head coach ng College of Saint Benilde sa NCAA kaya’t alam na nito ang laro ni Abando na bahagi ng Letran Knights.
Naniniwala si Tiu na malaki ang maitutulong ni Abando sa SGA.
“He gives us a lot of athleticism and firepower,” dagdag nito.