MANILA, Philippines — Pakay ng Adamson University at Bacolod Tay Tung na selyuhan ang pag-entra sa quarterfinals pagharap nila sa magkahiwalay na katunggali sa pagbabalik aksyon sa 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) ngayong araw sa Adamson University gym.
Makakatapat ng reigning UAAP champions Lady Baby Falcons ang mahigpit nilang karibal na National University-Nazareth School sa alas-4 ng hapon sa Adamson Gym main court.
Nagkaraharap ang Adamson at NU sa Season 86 finals.
Malinis sa dalawang panalo ang Adamson at nangunguna sila sa Pool D matapos silang akbayan ni UAAP MVP skipper Shaina Nitura sa premier grassroots volleyball tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Smart Sports, Mikasa, Team Rebel Sports, Data Project, Genius Sports at Robinsons Malls.
Samantala, makakapaluan ng bola ng Thunderbolts ang University of Perpetual Help sa Court 2 sa alas-4 rin ng hapon.
Para sa Junior Lady Altas na talo sa UST noong Biyernes ay kailangan nilang manalo upang manatili ang tsansa nilang makapasok sa quarters.