Ewan kung may aayon sa suhestiyon ni Blackwater Bossing franchise owner Dioceldo Sy ukol sa pagkalawkaw ng mga team lineups sa mithiing ma-achieve ang “parity” sa PBA.
Sa report ni Spin.ph scribe Gerry Ramos, mungkahi ng Ever Bilena Cosmetics Inc. chief executive officer ang “Protect 8” scheme sa pagsasagawa ng “dispersal draft.”
Ibig sabihin, magnonombra ang mga koponan ng walong players sa kanilang protect pool. Ang hindi masasama dito, mapupunta sa dispersal pool para sa dispersal draft.
Ang tingin ni Boss Dio, may problema ngayon ang liga sa kawalan ng magandang balance.
Ang siste, matagal nang mayroong sistema para sa competitive balance ng mga koponan. Kasama dito ang annual rookie draft at ang salary cap.
Ang mga kulelat sa previous season ang magmamay-ari ng top draft rights sa susunod na season. ‘Yun nga lamang, may mga certain teams na sumisira ng mithiin nito sa pagbebenta ng kanilang draft rights. O sa pagpasok sa lopsided trade transactions.
Ukol sa salary cap, kung lahat ay susunod sa pay ceiling, mababastante ang mga players na mamalagi sa kanilang koponan at hindi magmamaktol upang masama sa koponang hitik sa pagbibigay ng malaking kontrata.
Ang siste, nababalahura rin ang scheme na ito – may mga koponan na ang hula ng marami eh, lagpas sa maximum cap ang payroll. At mayroon din naman daw mga ball clubs na nagpapa-suweldo below minimum.
Seryosohin lang ang pagtupad sa dalawang sistema na ito, malaking bagay ang maaabot ukol sa parity.