MANILA, Philippines — Inangkin ng Alas Pilipinas ang bronze medal ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women matapos gibain ang Australia, 25-23, 25-15, 25-7, kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Ito ang kauna-unahang podium finish ng Pilipinas sa kasaysayan ng AVC sapul nang sumali sa torneo 63 taon na nakakaraan.
Ito rin ang unang medalya ng mga Pinay spikers matapos pumalo ng dalawang tanso sa 2019 Southeast Asian (SEA) V. League legs sa Nakhon Ratchasima, Thailand at sa Santa Rosa, Laguna.
Pinamunuan nina Sisi Rondina, Eya Laure, Angel Canino, Thea Gagate at Fifi Sharma ang atake ng Alas Pilipinas habang maganda ang naging ball distribution ni veteran setter Jia De Guzman.
Sa pagtatapos ng laro ay hindi napigilan ni De Guzman na mapaiyak kasabay ng pagyakap sa kanya ng mga teammates.
“This is a collective effort. I couldn’t have done it by myself. Everyone really did their roles well from every player on the court, on the bench, all of the coaching staff din,” ani 29-anyos na veteran setter.
Ang 5-foot-6 na si Rondina ang umiskor ng huling tirada ng tropa sa first, second at third set kung saan nila tinambakan ang Australia sa 16-6 mula sa service ace ni Laure.
Samantala, inupuan ng India ang fifth place matapos talunin ang Iran, 25-17, 25-16, 25-11, sa classification round habang kinuha naman ng Indonesia ang 7th place matapos walisin ang Hong Kong, 25-15, 25-19, 25-20.