Bacyadan nagpasiklab sa Olympic qualifiers

MANILA, Philippines — Nakadikit na si Hergie Bacyadan sa silya sa Paris Olympics nang humirit ito ng puwesto sa se­cond round ng 2nd World Olympic Qualification Tournament na ginaganap sa Bangkok, Thailand.

Hindi na nag-aksaya pa ng sandali si Bac­yadan nang ilabas nito ang kanyang lakas upang matamis na angkinin ang 5-0 unanimous win laban kay Dunia Martinez ng Spain sa first round ng women’s 75kg event.

Ang Top 4 boxers sa kanyang dibisyon ay awtomatikong mabibiyayaan ng tiket sa Paris Olympics.

Tanging sina Bacyadan at Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam (men’s 57kg) na lamang ang natitirang Pinoy bo­xers sa Olympic qualifiers.

Nakatakdang sagupain ni Paalam si Shukur Ovezov ng Turkmenistan Martes ng gabi.

Mas mahirap ang daan ni Paalam dahil kailangan nitong makapasok sa third place upang makasungkit ng puwesto sa Paris Games.

Nais ni Paalam na makakuha ng return ticket sa Olympics matapos itong magkasya sa pilak noong 2021 Tokyo Olympics sa Japan.

Sa kasalukuyan, may tatlong Pinoy boxers na ang nakapasok sa Paris Games.

Show comments