MANILA, Philippines — Bukod sa 5-foot-6 na si Sisi Rondina, kumukuha rin ng puntos ang Alas Pilipinas sa tambalan nina Eya Laure at collegiate star Angel Canino sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women.
Sa 22-25, 25-21, 25-17, 25-18 paggupo sa India ay humataw si Laure ng 17 points mula sa 15 attacks at dalawang service aces habang pumalo si Canino ng 22 markers galing sa 19 attacks, dalawang aces at isang block.
“Iyong team effort na ginagawa namin sa bawat laro kasi, hindi kakayanin ng isa o dalawa lang talaga,” ani Laure. “Team effort lang lagi kasi malaki talaga ang mararating kapag magtutulungan iyong team at patuloy na maniniwala.”
Nauna nang pinadapa ng Alas Pilipinas ang Australia, 22-25, 25-19, 25-16, 25-21, para manguna sa Pool A ng torneong nag-aalok ng tiket para sa 2024 FIVB Volleyball Women’s Challenger Cup na nakatakda sa Hulyo 4-7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Ang susi sa panalo ng mga Pinay spikers ay ang matibay na samahan, ayon kay Canino.
“Kailangan talaga namin iyong isa’t isa sa loob ng court and iyong puntos naman na iyon, hindi naman iyon para sa’min. Para sa team iyon, para sa Pilipinas,” wika ng 20-anyos na UAAP Season 85 Rookie of the Year/Most Valuable Player.
Ang tropa ay ginagabayan ng 29-anyos na si veteran setter Jia De Guzman.
“What I’m really proud of is my team because everyone was really ready to step up and sobrang bilis naming naka-adjust in-game,” ani De Guzman.