Sisi inspirado sa Challenge Cup

Sisi Rondina
PVL image

MANILA, Philippines — Inspiradong maglaro si PVL MVP Sisi Rondina suot ang jersey ng Alas Pilipinas sa 2024 AVC Challenge Cup na ginaganap sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.

Alam ng lahat na isa si Rondina sa pinakamaliit na miyembro ng Alas Pilipinas.

Ngunit halimaw ang mga laro nito sa nakalipas na panalo ng Pinay Spikers.

Humataw si Rondina ng 16 puntos sa panalo ng Alas Pilipinas sa Australia sa opening day kasunod ang siyam na puntos sa pananaig ng tropa sa India at 12 puntos naman laban sa Iran.

Kaya naman walang duda na may ibubuga ito sa international scene.

Masaya ang Choco Mucho outside hitter sa magandang itinatakbo ng kanilang tropa kung saan pasok na sila sa semis anuman ang mangyari sa laban ng Pilipinas at Chinese-Taipei sa huling araw ng group stage kahapon.

Maganda rin ang koneksiyon ng buong team na nagreresulta sa magandang laro.

“Na-amaze ako sa teammates namin ngayon ambilis mag-adjust. Pare-pareho lang talaga kami ng role.Kung ano yung kailangang gawin, pinupunan,” ani Rondina.

Halos isang linggo lamang magkakasama sa ensayo ang Alas Pilipinas ngunit hindi ito naging hadlang para makasabay sa malalakas na koponan sa rehiyon.

“Almost apat na araw lang kami magkakasama sa training pero andito kami naglalaro para sa bayan. Doon kami kumukuha ng inspirasyon kasi iba na ito, may Philippines na, dito kami humuhugot ng lakas,” ani Rondina.

Show comments