Amazing hanep sa karerahan

MANILA, Philippines — Nakapanood ng ma­gan­dang bakbakan ang mga karerista nang manalo ang Amazing sa naganap na 2024 PHILRACOM “Hopeful Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo.

Halos sabay-sabay na tumawid sa finish line ang tatlong kabayong nagbakbakan sa rektahan kung saan ay sa bandang labas sumulpot ang Amazing.

Hindi nababanggit ng race caller ang Amazing sa kaagahan ng karera dahil ang nagtatagisan ng bilis sa unahan ay ang V­ictorious Angel, Feet Bell at Primavera.

Naka-puwesto sa bandang likuran ang Amazing at pagsapit ng huling kurbada na lang ito nakalapit ng bahagya sa unahan.

Nagbanatan muna sa rektahan ang mga umagaw ng unahan na High Dollar at High Roller hanggang sa huling 25 metro ng karera ay binanggit ang pangalan ng Amazing na bumulaga sa una at huli.

Tinuka ng Amazing ang meta ng may kalaha­ting kabayo ang agwat sa pumangalawang High Roller, tersero naman ang High Dollar at pang-apat ang Primavera.

Ginabayan ni John Alvin Guce ang Amazing na nirehistro ang tiyempong 1:43 minuto sa 1,600 meter race sapat para hamigin ang P600,000 premyo.

Show comments