Yulo bumanat ng 4 golds sa Asian tilt

Carlos Edriel Yulo

MANILA, Philippines — Matikas ang kamada ni Carlos Edriel Yulo nang humataw ito ng kabuuang apat na gintong medalya sa 2024 Asian Championships Senior Men’s Artistic Gymnastics na ginanap sa Tashkent, Uzbekistan.

Inilabas ni Yulo ang world-class performance nito sa apat na araw na kumpetisyon kung saan una itong kumana ng ginto sa men’s individual all-around matapos makalikom ng 84.931 kabuuang puntos.

Magandang resbak ito para kay Yulo na nagkasya lamang sa pilak na medalya sa parehong event noong 2022 edisyon sa Qatar at noong 2023 sa Singapore.

Agad itong sinundan ni Yulo ng gintong medalya sa kanyang paboritong floor exercise sa ikalawang araw ng kumpetisyon.

Nagrehistro si Yulo ng 14.933 points para payukuin sina silver medalist Milad Karimi ng Kazakhs­tan na may 14.600 points at Yang Yanzhi ng China na may 14.200 points.

Sa huling araw ng kumpetisyon noong Linggo ng gabi, dalawang gintong medalya pa ang nadagdag sa kaban ni Yulo nang madepensahan nito ang kanyang korona sa vault at parallel bars.

Hataw si Yulo ng 14.883 puntos para kubra­hin ang unang puwesto laban kina second placer Abdulaziz Mirvaliev ng Uzbekistan na may 14.783 points at third placer Sharul Muhammad Aimy ng Malaysia na may 14.466 points.

Makulay na tinapos ni Yulo ang kampanya nito nang pagharian nito ang parallel bars tangan ang 15.133 points at talunin sina Chinese Yin Dehang (15.033) at Uzbek Rasuljon Abdurakhimov (14.866.)

Nagkasya lamang sa ikaapat si Yulo sa horizontal bars (13.433) at ika­anim naman sa still rings (13.533).

Nagparamdam din ng lakas ang nakababatang kapatid ni Yulo na si Karl Eldrew na nakasikwat ng ginto sa boys’ vault bitbit ang 14.433 points.

Show comments