Obiena gold sa Amerika

Filipino Olympic pole vaulter EJ Obiena bagged another gold medal after ruling the USATF Los Angeles Grand Prix in California on Saturday.
AFP

MANILA, Philippines — Nagpaparamdam na si Paris Olympics-bound Ernest John Obiena nang bumanat ito ng gintong medalya sa Los Angeles Grand Prix kahapon sa Drake Stadium sa Los Angeles, California.

Nagsumite si Obiena ng 5.80 metro upang angkinin ang ginto sa men’s pole vault competition.

Ito ang ikatlong ginto ni Obiena sa apat na torneong nilahukan nito ngayong taon.

Tinalo ng Asian Games gold medalist na si Obiena sina Simen Guttormsen ng Norway at KC Lightfoot ng Amerika na parehong nagtala ng 5.70m.

Nasikwat ni Guttormsen ang pilak sa pamamagitan ng countback o sa dami ng attempts bago makuha ang naturang marka habang nagkasya sa tanso si Lightfoot.

Mainit ang simula ni Obiena kung saan lumundag agad ito ng 5.45m at 5.60m habang kinailangan nito ng dalawang attempts para mailista ang 5.70m

Mabilis namang nakuha ni Obiena ang 5.80m para angkinin ang ginto.

Nauna nang nakaginto si Obiena sa Memorial Josip Gasparac sa Croatia ta­ngan ang 5.83m gayundin sa ISTAF Indoor sa Berlin, Germany bitbit ang impre­sibong 5.93m.

Nagtapos naman si Obiena sa 9th place sa World Indoor Championships sa Glasgow, Scotland kung saan tanging 5.65m ang naisumite nito.

Hindi naman pinalad na makapasok sa podium si Filipino-American Lauren Hoffman na nagkasya sa ikalimang puwesto sa women’s 400m hurdles sa naitalang 55.84 segundo.

Kapos si Hoffman ng isang segundo para maabot sana ang Olympic qualification standard na 54.85 segundo.

Show comments