MANILA, Philippines — Nagsaya ang mga dehadista sa pagkakapanalo ng Sartorial Elegance sa Philracom Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf sa Malvar, Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Ginabayan ni jockey John Allyson Pabilic ang Sartorial Elegance na sinilat ang mga pinapaborang Hee Nieve Rahh, I Under Oath at Seychelles.
Nasaksihan ng mga karerista ang husay ng Sartorial Elegance sa rematehan sa rektahan.
Humarurot agad ang Hee Nieve Rahh at Tool Of Choice sa largahan upang magpambuno sa unahan, habang nasa tersero puwesto ang Mabuhay.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay nasa unahan na ang Tool Of Choice ng dalawang kabayo sa Hee Nieve Rahh, tersero ang Mabuhay, pang-apat ang Seychelles at nasa pang-lima ang Sartorial Elegance.
Nanatili sa unahan ang Tool Of Choice sa far turn pero malakas ang dating ng Mabuhay at Sartorial Elegance na dumaan sa bandang labas.
Kaya naman pagsungaw ng rektahan ay halos magkapanabayan na ang mga kabayo.
Pagsapit ng diretsuhan ay lalong uminit ang labanan sa unahan ng Tool Of Choice, Sartorial Elegance, Seychelles at I Under Oath ang naghahatawan sa unahan hanggang sa huling 10 metro na karera.
Nanalo ang Sartorial Elegance, sumegundo ang Tool Of Choice, habang tersero ang Seychelles at pumang-apat ang I Under Oath.
Inirehistro ng Sartorial Elegance ang tiyempong 1:13.8 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P11,000 na added prize.
Kumubra din ang breeder ng nanalong kabayo ng P4,500, habang P1,000 at P500 para sa second at third, ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.