MANILA, Philippines — Buo na ang desisyon ni middle blocker Jaja Santiago para maging naturalized player ng Japan at maging bahagi ng Japan women’s national volleyball team.
Mismong ang 6-foot-5 na dating National University standout na ang nagkumpirma kung saan pinaplantsa na ang lahat para maipormalisa ang naturalization nito.
Kasalukuyang nasa bansa si Santiago para sa maikling bakasyon.
Nakita si Santiago sa venue nang manood ito sa laban ng National University at Far Eastern University sa do-or-die semis match sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament.
Marami rin ang nagsulputang balita na posibleng maglaro si Santiago sa battle-for-bronze match ng Chery Tiggo kontra sa Petro Gazz sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ngunit agad itong itinanggi ni Santiago kalakip ng kumpirmasyong inaayos na ang kanyang naturalization sa Japan.
“Hindi ako maglalaro (sa battle-for-third) kasi nasa process na (ang naturalization),” ani Santiago.
Ayaw na ni Santiago na sumugal pa kaya’t pinili nitong hindi na maglaro sa PVL dahil baka maapektuhan ang naturalization process nito.
Masaya si Santiago sa paglalaro nito sa Japan V.League.
Bahagi ito ng JT Marvelous na nakasungkit ng pilak sa katatapos na season ng Japan V.League.