MANILA, Philippines — Diniskaril ng nagdedepensang Creamline ang pagpasok ng Petro Gazz sa finals matapos agawin ang 27-25, 23-25, 27-25, 26-24 panalo sa single-round robin semifinals ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hinataw ni Jema Galanza ang huling dalawang puntos ng Cool Smashers para pigilan ang dalawang sunod na kamalasan sa PLDT High Speed Hitters sa pagtiklop ng elimination round at sa Choco Mucho Flying Titans sa semis noong Martes.
Tumapos ang 27-anyos na si Galanza na may 23 points mula sa 20 attacks, dalawang bocks at isang service ace para buhayin ang tsansa ng Creamline na maidepensa ang suot na korona.
Parehong may 1-1 record sa semis ang Cool Smashers at Gazz Angels.
“Hindi ko ine-expect ang nararamdaman ko kanina. pero kanina sabi ko ibibigay ko na ang lahat,” ani Galanza sa dalawa niyang atake mula sa 25-25 pagtatabla sa fourth set.
Ang nasabing dalawang puntos ng dating Adamson Lady Falcon ay bahagi ng isang 6-1 atake ng Creamline.
Nagdagdag ang nagbalik na si Tots Carlos ng 21 markers para sa Creamline.
Pumalo sina Fil-Am Brooke Van Sickle at Jonah Sabete ng tig-22 points para sa Petro Gazz.