Hans City pabida sa liyamadista
MANILA, Philippines — Hinangaan ng mga karerista ang ipinakitang husay ng Hans City nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nanood muna sa pang-apat ang Hans City na sinakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce habang nagbabanatan sa unahan ang matutulin sa largahan na Veterano at Money For Gabriel.
Paparating ng far turn ay kumukuha na ng unahan ang Money For Gabriel habang kumakapit na ang Hans City at beripikadong lalampas.
Bago sumungaw sa huling kurbada ay inagaw na ng Hans City ang una-han, segundo na ang Money For Gabriel habang papalapit na rin ang Ruby Bell at Hook On D Run.
Pagsapit sa rektahan ay umungos na ang Hans City at nanalo ito ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Front Runner.
Nilista ng Hans City ang tiyempong 1:27.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Louise Ann Decena ang P11,000 added prize.
Nakopo naman ni Joseph Dyhengco ang Breeder’s purse na P4,500 habang P1,000 at P500 ang second at third, ayon sa pagkakasunod.
Terserong dumating ang Ruby Bell habang pumang-apat ang Veterano.
Samantala, isasabak sa matinding ensayo ang Hans City para paghandaan ang sasalihang malaking stakes race.
- Latest