MANILA, Philippines — Tiwala ang De La Salle University na mabilis na makakarekober si outside spiker Angel Canino upang makabalik na agad ito sa paglalaro dahil eentra na sa krusyal na estado ang UAAP Season 86 women’s volleyball tournament.
Sumasailalim sa rehabilitasyon ang reigning MVP na nagtamo ng injury sa kanyang kanang braso.
Nasilayan ito sa warm up ng Lady Spikers kontra sa Ateneo de Manila University noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Subalit hindi pa rin pinaglaro si Canino upang lubusang gumaling ang kanyang injury.
Sa kabila ng pagkawala ni Canino, nanalo pa rin ang Lady Spikers laban sa Blue Eagles sa iskor na 25-12, 25-12, 25-18 para umangat sa 11-2 rekord.
Target ng coaching staff ng La Salle na makapaglaro na si Canino sa krusyal na laban ng Lady Spikers kontra sa University of Santo Tomas sa Abril 27.
“She’s been making steady progress when it comes to her recovery. She’s been undergoing therapy sessions. Hopefully she could return against UST or in the semifinals,” ani Lady Spikers assistant coach Noel Orcullo.
Importante ang bakbakan ng La Salle at UST dahil ito ang magdedetermina kung sino ang makakakuha ng twice-to-beat advantage sa semis.