Petro Gazz muling sumosyo sa top spot
MANILA, Philippines — Hinataw ng Petro Gazz ang ikaapat na sunod na panalo matapos gibain ang sibak nang Galeries Tower, 25-7, 25-21, 25-17, sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 17 points mula sa 13 attacks, tatlong aces at isang block para sa 8-2 record ng Gazz Angels kasosyo sa liderato ang Choco Mucho Flying Titans at nagdedepensang Creamline Cool Smashers.
Nagdagdag si Jonah Sabete ng 11 markers sa likod ng pitong attacks, dalawang blocks at dalawang aces at may walo, pito, anim at limang puntos sina Remy Palma, Marian Buitre, Myla Pablo at Aiza Pontillas, ayon sa pagkakasunod.
“Pinaghahandaan namin bawat laro,” sabi ni Sabete. “Sa mga previous games, medyo shaky ang atake at blocking namin, so kailangan na ayusin pa.”
Pupuntiryahin nila ang semis spot sa pagsagupa sa Nxled sa pagtiklop ng single-round eliminations sa Abril 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nahulog ang Highrisers sa 3-7 marka at nakahugot kay France Ronquillo ng anim na puntos.
Samantala, tumabla rin sa liderato ang Chery Tiggo sa bisa ng 25-17, 25-20, 25-17 pagwalis sa sibak nang Akari.
Bumira si Eya Laure ng 14 points mula sa siyam na attacks, tatlong blocks at dalawang service ace para sa 8-2 kartada ng Crossovers.
- Latest