MANILA, Philippines — Nagkakaroon na ng idea ang mga karerista kung sino ang susunod na kampeon sa karerahan matapos manalo ng Batang Manda sa 2024 PHILRACOM ‘Road to Triple Crown Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumaripas na lumabas ng aparato ang Batang Manda upang ipakita ang kanyang tulin at hawakan agad ang bandera pero nilapitan agad siya ng Added Haha.
Hawak ang isa’t kalahating kabayong bentahe sa humahabol na Added Haha, nasa tersero ang Heartening To See habang pang-apat ang Ghost sa kaagahan ng karera.
Kumapit ang Added Haha sa kalagitnaan ng karera pero inilayo ulit ng hinete ng Batang Manda na si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema papasok ng far turn at bumalik sa isa’t kalahating kabayo ang agwat.
Pagsapit ng huling kurbada ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ng Batang Manda sa pumapangalawang Added Haha kaya naman magaan nitong tinawid ang meta.
Ang apat na kabayo ay nagkatalo sa finish at nirehistro ng Batang Manda ang tiyempong 1:41.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P600,000 premyo.
Nakopo ng Added Haha ang P200,000 habang P100,000 at P50,000 ang third at fourth placers na Ghost at Heartening To See, ayon sa pagkakasunod.
Si Abalos din ang breeder kaya sa kanya rin mapupunta ang Breeder’s purse na P50,000.