MANILA, Philippines — Magpupuwestuhan ang Barangay Ginebra at Blackwater sa gitnang bahagi ng team standings sa nakakasang krusyal na bakbakan sa 2024 PBA Philippine Cup ngayon sa Philsports Arena sa Pasig.
Parehong umiinda ng losing skids ang dalawang koponan kaya gigil na makabalik na sa winning column at manatiling nasa playoff contention sa duwelo nila sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng laban ng Converge at Phoenix sa alas-4:30 ng hapon.
Umariba sa 3-0 at 3-1 na simula ang Bossing at Gin Kings, ayon sa pagkakasunod, subalit hindi na ulit nagwagi upang matengga sa gitna katabla ang TNT Tropang Giga.
Tatlong sunod na kabiguan ang nalasap ng Blackwater upang malaglag sa 3-3 karta habang dalawang sunod naman ang natamo ng Ginebra para sa 3-2 kartada.
Pinakahuli dito ang 110-103 pagkatalo ng Blackwater kontra sa nagliliyab na Rain or Shine habang yumukod naman ang Ginebra sa Terrafirma, 91-85.
Isa lang sa Bossing at Gin Kings ang makakatikim ng tagumpay at makakaangat sa hanggang ikaapat na puwesto sa likod ng mga lider na San Miguel (5-0), NLEX (5-1) at NorthPort (4-2) upang mapalakas ang tsansa sa playoffs.
Sa unang laro, pareho ding namomroblema ang Phoenix bitbit ang 1-4 kartada at Converge na wala pang panalo sa anim na laro kaya gutom din sa panalo.