NU seselyuhan ang top seed kontra San Juan sa PNVF U-18

MANILA, Philippines — Pakay ng National University na manati­ling malinis ang karta sa pagharap nila sa San Juan Institute of Technology-Batangas sa 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship girls division ngayong araw sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.

Magsisimula ang banatan sa alas-11:30 ng umaga, nais ng Lady Bulldogs (3-0) na masiguro ang top seed sa Pool B, pero tiyak na mapapalaban sila sa third-running Batangas bet (2-1).

Sa ibang laro, magkakaldagan ang Mary Hill College Lucena (1-0) at Gracel Christian College (1-2) para paglabanan ang playoff positions sa Pool A sa alas-10 ng umaga habang maghaharap ang winless Canossa Academy-Lipa (0-3) at Colegio de Los Baños (1-2) sa ala-1 ng hapon.

Puntirya din ng Angatleta Sports-Orion, Bataan na walisin ang Pool A sa pakikipaglaban nila sa Philippine Christian University (2-1) sa main game sa alas- 5:30 ng hapon.

Magbabakbakan din ang Golden Whiskers Club (0-2) at Canossa Academy-Lipa (1-2) sa Pool A sa alas-2:30 ng hapon habang magkatapat ang Colegio de Los Baños (0-3) at Aguaveia Volleyball Club (0-2) sa Pool B sa alas-4 ng hapon sa youth tournament ng PNVF na pinamumunuan ni president Ramon ‘Tats’ Suzara.  

Show comments