MANILA, Philippines — Matagumpay na naisakatuparan ni Vanessa Sarno ang pagsikwat ng tiket sa Paris Olympics.
At nagawa ito ni Sarno sa pamamagitan ng pagwasak sa national record sa 2024 International Weightlifting Federation (IWF) World Cup women’s 71kg class na ginanap sa Phuket, Thailand.
Nagtala si Sarno ng 110 kg sa snatch para wasakin ang 108 kg na nairehistro nito sa IWF Grand Prix na ginanap sa Doha, Qatar noong Disyembre.
Sa World Cup, kumana pa ito ng 135 kg sa clean and jerk para makalikom ng kabuuang 245 kg — sapat para makapasok sa Paris Olympics.
Nasa ikalimang puwesto si Sarno sa Olympic Qualification Rankings (OQR) kung saan tanging ang Top 10 lamang sa world ranking ang papasok sa Paris Games.
“One of the lesson that I’ve learned from this journey is that, not everyone that was with you from the very start will always be with you and stay for you throughout your process to progress into this journey,” ani Sarno.
Nagpasalamat si Sarno sa lahat ng sumuporta sa kanya upang maabot ang inaasam na puwesto sa Paris Games.
Si Sarno ang ikaapat na miyembro ng national weightlifting team na nakahirit ng tiket sa Paris Olympics.
Nauna nang umabante sina Rosegie Ramos (women’s 49 kg), John Ceniza (men’s 61 kg) at Elreen Ando (women’s 59 kg).
Inaasahang ilalabas ng International Weightlifting Federation (IWF) ang listahan ng mga opisyal na nagkwalipika sa Paris Olympics sa mga susunod na araw.
Sa kabuuan, may 10 Pinoy athletes na ang nagkwalipika para sa Paris Olympics.
Makakasama nina Sarno, Ramos, Ceniza at Ando sina pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo at Aleah Finnegan, at boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas.