DENVER — Ipinoste ni Nikola Jokic ang kanyang 25th triple-double sa season habang bumira si Kentavious Caldwell-Pope ng season-high 24 points sa 142-110 dominasyon ng nagdedepensang Nuggets sa Atlanta Hawks.
Humakot si Jokic ng triple-double na 19 points, 14 boards at 11 assists at umiskor si Michael Porter Jr. ng 20 points para sa Denver (54-24) na nagsalpak ng 23 three-pointers at nagtala ng season-best 38 assists.
Nag-ambag si Reggie Jackson ng 18 markers habang may 16 points si Jamal Murray para solohin ang first place spot sa Western Conference playoff race.
Pinamunuan ni Clint Capela ang Atlanta (36-42) sa kanyang 19 points.
Kinuha ng Nuggets ang 69-56 abante sa halftime patungo sa 101-86 pagbaon sa Hawks sa third quarter.
Sa Los Angeles, kumamada si D’Angelo Russell ng 28 points at may 24 markers si LeBron James para pamunuan ang Lakers (45-33) sa 116-97 pagpapatumba sa Cleveland Cavaliers (46-32).
Sa Memphis, humakot si Joel Embiid ng 30 points at 12 rebounds sa 116-96 paggiba ng Philadelphia 76ers (43-35) sa Grizzlies (27-51).
Sa New York, humataw si Cam Thomas ng 32 points para pangunahan ang Brooklyn Nets (31-47) sa 113-103 pagdaig sa Detroit Pistons (13-65).