MANILA, Philippines — Hindi pinaporma ng Rain or Shine ang dati nitong pambato na si Rey Nambatac at Blackwater, 110-103, para sa ikatlong sunod nitong tagumpay sa 2024 PBA Philippine Cup kagabi sa pagbabalik ng liga sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumalikwas ang Elasto Painters sa maagang 14-point deficit sa pangunguna ni Leonard Santillan upang umangat sa 3-4 kartada matapos ang winless start sa All-Filipino Conference.
Tumikada ng 28 puntos, 7 rebounds at 3 assists si Santillan habang sumuporta sa kanya sina Beau Belga at Jhonard Clarito na may 21 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod.
Tampok sa kontribusyon ni Clarito ang 8 puntos sa fourth quarter kung saan tuluyang inagaw ng RoS ang manibela, 101-96, sakay ng 15-4 ratsada mula sa 86-92 deficit.
Nag-ambag din ng 12 puntos si Andrei Caracut para sa Elasto Painters na unti-unti uling umiinit katulad sa Commissioner’s Cup kung saan sila nagbuhol ng anim na sunod na panalo matapos ang 0-5 na simula.
“We’re getting our rhythm back and we’re finding ways to win,” ani coach Yeng Guiao.
Nakasakay sa momentum mula sa 100-85 at 110-90 panalo kontra sa Phoenix at Converge, ayon sa pagkakasunod, nabulaga pa ang RoS sa maalat na 4-18 simula subalit hindi tumiklop kahit naghabol sa tatlong quarters bago makaalpas sa dulo tampok ang 30-19 run sa fourth quarter.